28

Jul 20, 2021 @ 17:44
By

Pimentel sa sigalot sa PDP-Laban: Napakasakit!

Masakit para kay Senador Koko Pimentel ang lumalalang gulo sa PDP-Laban, na mahigit 30 taon na siyang miyembro.

Tinukoy ni Pimentel ang trato sa kanila ng aniya’y mga baguhan sa partido, na itinatag ng kanyang amang si dating senador Aquilino “Nene” Pimentel Jr.

“Nakakalungkot hindi lang dahil tinatag ito ni Tatay Nene, tatay ko. E ako mismo ang serbisyo ko sa partido, mga 30 plus years, 35 years na akong naninilbihan diyan sa partido so napakasakit na ginanito kami ng mga sumali five years ago,” sambit niya sa Teleradyo noong Lunes ng gabi.

Kaugnay ito sa nangyaring PDP-Laban assembly sa Pampanga kamakailan kung saan pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte, party chairman, ang panunumpa ng mga bagong opisyal nito.

Sinipa bilang party president si Senador Manny Pacquiao at ipinalit si Energy Secretary Alfonso Cusi.

Ngunit ani Pimentel, na hindi awtorisado ang naturang assembly at nangakong igigiit ang pagiging lehitimo ng kanyang grupo at ni Pacquiao kapag nadala ang isyu sa tamang venue.

“‘Yung iba diyan hindi pa nakikita ‘yung party headquarters namin, ngayon sila na ngayon ang party president or mga sikat sa partido. They have not even visited our very modest party headquarters, ni hindi nila alam ano ang hitsura,” patuloy pa ni Pimentel.

“I’m not a turncoat. Hindi ako palipat-lipat ng partido and then anong gusto nila, ako ngayon ay mapuwersa nilang tumalon palabas ng partido ko which I have served for 30 plus years? Imagine mo ‘yun?” dagdag niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?