175

Jul 14, 2021 @ 17:08
By

Pimentel sa mga anti-Pacquiao sa PDP-Laban: Manalamin muna kayo!

May patutsada si Senador Aquilino “Koko” Pimentel III sa mga ilang miyembro ng PDP-Laban party na tingnan muna ang kanilang sarili sa salamin bago kuwestiyunin ang katayuan ni Senador Manny Pacquiao bilang pinuno ng partido.

Ginawa ni Pimentel ang panawagan kasabay ng pagpalag sa tila pagmamaliit ni Energy Secretary Alfonso Cusi sa posisyon ni Pacquiao sa partido. Aniya, dumaan sa proseso bago naging pangulo ng PDP-Laban.

“Yung ‘party hopping’, huwag sila mag-charge ng ganun kasi, tingnan din nila sarili nila sa salamin,” sabi ni Pimentel, executive vice chairman ng PDP-Laban party sa isang forum sa Maynila.

“At least, I can say that I never had another political party. Kaya huwag nilang gamiting issue kay Sen. Pacquiao yun. Tumingin muna sila sa salamin,” dagdag nito.

Noong Martes, sinabi ni Cusi, vice president ng partido, na mas maka-PDP-Laban pa umano si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio kesa kay Pacquiao dahil matagal siyang naging bahagi ng partido bago siya nagbuo ng panibagong partido, ang Hugpong ng Pagbabago.

Si Cusi ay miyembro ng Lakas-CMD bago sumanib sa PDP-Laban. Si Pacquiao naman ay tumakbo sa ilalim ng iba’t ibang partido – ang Liberal Party at United Nationalist Alliance.

Ang binuong partido ni Pacquiao, ang People’s Champ Movement ay nakipag-alyansa din sa national party ni dating Senate President Manny Villar.

Ayon pa kay Pimentel, bumaba siya sa puwesto bilang pinuno ng partido para bigyang daan ang pamumuno ni Pacquiao na mas bata, may malakas at may personal na interes sa susunod na halalan.

“Because at the very least, reelectionist senator din siya eh. Kami tapos na kami. 2019 kami na reelect eh. We are done with our term because we were reelected in 2019). So at the very least, he can run as a reelectionist senator, or a vice president, or a president,” ani Pimentel.

“It was a new way of thinking—younger, bolder… ako kasi politically speaking, conservative ako,” sambit pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?