143

Jul 17, 2021 @ 20:19
By

Pimentel pasimuno ng gulo sa PDP-Laban – Duterte

Isinisi ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Senador Koko Pimentel ang mga nangyayaring gusot at gulo sa loob ng PDP-Laban.

Sa kanyang talumpati sa national assembly ng PDP-Laban sa Clark, Pampanga, sinabi ng pangulo na ang senador ang nag-umpisa ng gulo matapos gawing acting president ng partido si Senador Manny Pacquiao.

Hindi aniya naging maayos ang pagpapatakbo sa partido lalo na sa pagtatalaga ng mga opisyal na tila ba tinagubilinan lamang para maging opisyal ng PDP-Laban.

“Siya yung nag-umpisa ng ruckus eh. Magsabi ka lang, “O sige , ikaw na muna diyan”. That is not the way how to run a party. Hindi naman bobo ang mga miyembro. Mas bright sayo ” anang pangulo.

Kinikilala ng pangulo na ang PDP-Laban ay partido ng mag-amang Senador Koko at ni dating Senate President Aquilino Pimentel Jr. subalit hanggang doon lang aniya.

Ayon sa presidente, hindi kinikilala ang mga Pimentel sa Cagayan de Oro at hindi sila mananalo. Kahit aniya tumakbo sa barangay si Senador Koko ay hindi ito mananalo.

“It was a father and son party, period. Wala ng iba. And they were not even recognized in Cagayan de Oro City. Totoo yan. Im not trying to throw an insult pero yan ang totoo talaga,” dagdag ng presidente.

Posible aniyang gumagawa na ng petisyon si Senador Pimentel sa Commission in Elections habang binabanatan nito ang paraan ng paghawak nito sa partido.

“I don’t know the fortunes of… Hindi natin alam kung ano ang gagawin sa kabila. Baka nagta-type na si Koko ng petisyon doon sa Comelec. But tingnan natin. Let us see,” wika ng pangulo.

Hinikayat ni Pangulong Duterte ang mga miyembro ng PDP-Laban na huwag maging bulag dahil lamang sa ambisyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?