24

Jul 12, 2021 @ 18:33
By

Pimentel ‘di papayagan power grab sa PDP-Laban

Tiniyak ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel III na hindi sila papayag na ma-take over ng mga baguhang miyembro ng ruling party – ang Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban).

Ayon kay Pimentel, executive vice-chairman ng partido, dugo na umano ang kanilang pinuhunan sa organisasyon kaya’t hindi sila papayag na basta na lang maitsa-puwera sa PDP-Laban.

“Kaya nga nire-resist din natin yun [power grab], na yung mga sumali lang after manalo si President [Rodrigo] Duterte, di na nagpapakita baka benepisyo ang gusto. Di kami papayag na you will take over the party at etsa-puwera ang matagal nang partymates, dugo na ang ininvest diyan,” pahayag ni Pimentel sa online interview ng mga reporter.

“Ako I pay for the political prize during elections because kung sino yung nominee ng PDP-Laban na kandidato di ko nilalapitan yung kalaban nila because out of respect yun eh, political decency,” dagdag pa nito.

Nauna nang binansagan ni Pimentel si Energy Secretary Alfonso Cusi, ang vice chairman ng partido, bilang utak sa likod ng tangkang pag-agaw na kapangyarihan sa PDP-Laban.

Kaugnay nito, hinimok naman ni Pimentel ang mga kasapi ng PDP-Laban na huwag dumalo sa hindi awtorisadong national assembly ng partido na nakatakda sa Hulyo 17. Sabi ng Malacañang, dadalo sa pulong si Pangulong Rodrigo Duterte, ang chairman ng partido.

“Meron lang kaming panawagan sa lahat na, you know July 16 and 17, hindi po authorized yan ng party leadership so huwag na kayong umattend dyan,” sabi ni Pimentel.

Aniya, ang lehitimong national assembly ng organisasyon ay magaganap sa Setyembre.

“Pero kung umattend sila saka na natin tingnan kung ano mangyayari dun pero meron din naman sa September national assembly,” sambit pa niya.

Nauna nang sinipa si Cusi at dalawa pang opisyal ng partido noong Biyernes dahil sa paglabag sa kanilang Konstitusyon.

Samantala, inilarawan naman ni Pimentel ang kasalukuyang sitwasyon sa PDP-Laban bilang “abnormal”.

“Nalulungkot ako at umabot na sa ganito, sayang kasi kaya naman sana itong maayos kung naging open lang kami sa isa’t isa at saka trusting and honest with each other,” ayon sa senador.

“Nakakalungkot kasi nga nagiging abnormal times for the party, hindi na ito normal actions e normal times sa isang political party. Abnormal e. May galaw e, may galaw na naman hindi kinaklaro kung ano purpose nila e,” dugtong pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?