185

Dec 4, 2021 @ 20:10
By

Pimentel: Bong Go nilisan na PDP-Laban

Hindi na umano maituturing na miyembro ng PDP-Laban si Senador Bong Go dahil naging substitute presidential candidate ito para sa partidong Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS), ayon kay Senador Koko Pimentel.

Ani Pimentel, nakasaad sa batas na maaari lamang maging substitute candidate ang isang indibidwal para sa kandidato na nasa kapareho niyang partido.

“Sa pagkakaintindi ko sa rules pagdating sa substitution, you must belong to the party exercising the right to substitute… Ang rules doon, pagdating sa final deadline for substitution, the substitute ay dapat kapartido noong pinapalitan, so that means that at that particular point, iniwanan na ni Sen. Bong Go ang PDP-Laban at naging miyembro na siya sigurado ng PDDS kasi otherwise, invalid ‘yung substitution,” pahayag ni Pimentel sa panayam ng DWIZ ngayong Sabado.

Si Pimentel ang tagapanguna ng isa pang paksyon ng PDP-Laban kung saan si Senador Manny Pacquiao ang standard-bearer.

“Pending pa rin sa Comelec [ang leadership dispute], so respeto na lang sa Comelec, hayaan natin sila magresolve noon, pero sinasabi ko lang na sa pagkakaintindi ko sa batas ng eleksyon, ganoon po ang nangyari,” ani Pimentel.

“Kahit sabihin ni Sen. Bong Go na mahal niya ang PDP-Laban, nasa puso niya ang PDP-Laban, hindi na siya miyembro ng PDP-Laban kasi requirement po ng batas ‘yun. You must belong to the same party as the person you are substituting for,” dugtong pa nito.

Sa kabilang dako, bagamat naging substitute presidential candidate sa ilalim ng PDDS, umatras din sa pagtakbo si Go.

Maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay naging substitute senatorial candidate sa ilalim din ng PDDS.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?