24

Jul 20, 2021 @ 18:14
By

Pimentel: Bagong salta naghahari-harian agad sa PDP-Laban

Masakit pa kay Senador Aquilino “Koko” Pimentel III ang ginagawang paghahari-harian ng mga bagong salta sa PDP-Laban, ang partidong kanyang inalagaan at pinagsilbihan sa loob ng 30 taon.

Sabi ni Pimentel, nalulungkot siya sa nangyayaring hidwaan sa PDP-Laban na itinatag ng kanyang ama, ang yumaong si Senador Aquilino “Nene” Pimentel Jr.

“Nakakalungkot hindi lang dahil tinatag ito ni Tatay Nene, tatay ko. E ako mismo ang serbisyo ko sa partido, mga 30 plus years, 35 years na akong naninilbihan diyan sa partido so napakasakit na ginanito kami ng mga sumali five years ago,” pahayag ni Pimentel sa panayam sa Teleradyo noong Lunes ng gabi.

Ayon pa dito, kung sino pa iyong mga bagong salta lang sa partido, siya pa iyong atat na pamunuan ang partidong itinatag ng kanyang ama.

“Yung iba diyan hindi pa nakikita ‘yung party headquarters namin, ngayon sila na ngayon ang party president or mga sikat sa partido. They have not even visited our very modest party headquarters, ni hindi nila alam ano ang hitsura,” sabi ni Pimentel.

Nitong nagdaang linggo, pinangasiwaan ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang chairman ng PDP-Laban, ang panunumpa ng mga bagong opisyal ng partido sa isinagawang national convention sa Clark, Pampanga.

Iniluklok si Energy Secretary Alfonso Cusi bilang bagong pangulo ng partido, kapalit ng napatalsik na si Senador Manny Pacquiao na kasalukuyang nagsasanay sa US para sa kanyang nalalapit na laban kay Errol Spence Jr.

Subalit iginiit ni Pimentel na hindi awtorisado ang naturang pagtitipon kasabay ng pangakong kanyang isusulong ang legitimacy ng kanilang grupo kapag naihatid ang isyu sa tamang venue o lugar.

“I’m not a turncoat. Hindi ako palipat-lipat ng partido and then anong gusto nila ako ngayon ay mapuwersa nilang tumalon palabas ng partido ko which I have served for 30 plus years? Imagine mo ‘yun?” ayon pa kay Pimentel.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?