14

Jan 4, 2022 @ 15:16
By

Pilipinas makakabawi ngayong 2022

Tiwala ang business sector na makakabangon ang ekonomiya ng bansa ngayong 2022 kahit pa nanatili ang banta ng COVID-19.

Ito ang ginawang pagtaya ni Presidential Adviser for Entrepreneurship na si Joey Concepcion Jr. sa kabila ng muling paghihigpit at pagtaas sa Alert Level 3 sa Metro Manila, Bulacan, Cavite at Rizal.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Concepcion na marami na ang supply ng COVID vaccines sa bansa na magagamit sa mamamayan kaya kumpiyansa ito na makakabawi ang kabuhayan at ekonomiya.

“What can I assure you is that I am extremely bullish. Im very bullish that 2022 will be a definitely better than 2021. Why? We have the vaccines now here in our country. And dami nito. Last year kulang na kulang tayo, maraming delay but now ang dami na. We have the ammunition,” ani Concepcion.

Ang problema na lamang aniya ngayon ng gobyerno at ng mga negosyante ay ang pagmamatigas ng ilang mamamayan na magpabakuna.

Kinatigan ni Concepcion ang naging desisyon ng Inter-Agency Task Force na obligahing magpa-RT-PCR test ang lahat on-site workers kung ayaw magpabakuna dahil ang isinaalang-alang aniya ng mga negosyante ay ang kaligtasan ng kanilang mga manggagawa.

“Ang kalaban na lang natin yung vaccine hesistance so ang ginawa ng IATF, mandating all on-site workers to take the vaccine or else they will have to take the RT-PCR test which will cost them a lot,” dagdag ni Concepcion.

Hindi naman nabahala ang negosyante sa ginawang pagtaya ng Department of Trade and Industry (DTI) na mawawalan ng tinatayang P200 million sa kita sa pagnenegosyo dahil sa paghihigpit ng kalahating buwan dahil sa pagtaas ng Omicron cases sa bansa.

Sinabi ni Concepcion na mahina rin naman ang kita sa unang quarter ng taon kaya hindi ito masasabing malaking dagok para sa mga negosyante.

“Ako, maliit na bagay lang ang P200 million kasi ang importante dito i-maintain natin yung kalusugan natin. The first quarter, bagsak naman ang benta aabot din halos diyan sa P200 million, so halos pareho lang yan eh,” wika ni Concepcion. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?