174

By

Pilipinas, Australia ‘mag-uupakan’ na naman

Mahigit isang buwan pa lamang ang nakakalipas mula sa naganap na basketbrawl sa FIBA Asia World Cup Qualifying ay magkakaharap muli ang Pilipinas at Australia bagaman hindi sa men’s division kundi sa pagitan ng Batang Gilas-Pilipinas at Australia Emus sa ginaganap na FIBA Under 18 Asian Championships sa Thailand.

Habang isinusulat ang balitang ito ay magsasagupa ang Batang Gilas at ang Australian Emus na kapwa asam na tumuntong sa kampeonato ng kada dalawang taong torneo para sa rehiyon ng Asya.

Kapwa nakasiguro na agad ng kanilang tiket para sa FIBA World Cup Under 19 ang Pilipinas at Australia bagaman inaasahang magiging maigting ang paghaharap ng dalawang koponan hindi lamang sa kapwa asam na maiuwi ang pinakaunang korona kundi ang makamit ang prestihiyo at dignidad sa pagsungkit sa panalo.

Limang sunod na iniuwi ng Pilipinas ang titulo ng torneo matapos na magsimula noong 1970 bago nito nabitawan noong 1980 edisyon sa Bangkok, Thailand matapos na mabigo sa China.

Nagawa nito bawiin ang titulo noong 1982 edisyon sa Maynila matapos bawian ang China bago na lamang huling nagkasya sa ikatlong puwesto noong 1984 Seoul, Korea at 1989 Manila edisyon.

Itinala ng Pilipinas ang ikaapat nitong sunod na panalo matapos na biguin ang Bahrain, 67-52, noong Huwebes sa Stadium 29 sa Thailand habang binigo ng Australia ang Japan, 88-52, upang hawiin ang paghaharap para sa isa sa dalawang silya sa kampeonato.

Ito ang unang pagkakataon na nakatuntong ang Batang Gilas sa FIBA U19 World Cup sapul noong 1979 o mahigit 39 na taon na ang nakalipas. Unang pagkakataon din na ang isang koponan mula sa subzone ng SEABA na umabot sa unang apat na koponan sapul 1995 at pinakamalapit na pagkakataon ng Pilipinas na makapagwagi ng medalya simula pa noong 1992 base sa talaan ng FIBA.

Ikalawang pagkakataon naman sa Australia Emus na makatuntong sa FIBA Under 19 World Cup matapos ito huling magkasya sa Round of 16 ng 2015 FIBA U19 World Championships sa pagbigo sa dating European Under-18 silver medalists na Serbia.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?