78

Piliin ang tama, tumulong sa kapwa – VP Leni

Ang pagtulong sa kapwa, higit sa mga nangangailangan, ang sentro ng Christmas message ni Vice President Leni Robredo.

Sa kanyang video message na naka-post sa kanyang Facebook account, hangad din niya na piliin ng mga Filipino kung ano ang tama at dapat ay walang iwanan.

“Sa panahong patuloy na umiiral ang galit at awayan, sa panahong tila hinihila tayo palayo sa mga bagay na dapat nagbubuklod sa atin, piliin natin ang tama alang-alang sa mga kababayan nating nangangailangan,” sabi ni Robredo.

“Higit kailanman, ngayon nila tayo kailangan. Huwag nating hayaang may maiwan. Bawat buhay ay mahalaga; bawat Pilipino ay may karapatan sa binibigay ng Diyos na kaligtasan,” dagdag pa nito.

Sinabi pa ni Robredo na maganda na pagnilayan ng lahat ang pagkakapanganak kay Hesu Kristo dahil ito ang tunay na kahulugan ng Pasko.

Aniya ang kapanganakan ni Hesu Kristo ay simbolo ng pagmamahalan at pag-asa at dapat ay naaalala ito lalo na sa panahon ng pangangailangan.

Ipinaalala din ni Robredo ang mga kinakaharap na hamon nina Birheng Maria at San Jose Manggagawa bago ang pagsilang ni Hesu Kristo. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?