180
oranza
Mar 9, 2018 @ 21:35
By

Pilay, sugat wala ‘yan kay Oranza!

Sumemplang, nabalian sa hinlalaki at mala-tocinong gasgas sa bandang tuhod ang natamo ni Ronald Oranza ng Phl Navy-Standard Insu­rance pero bumangon at humabol upang manatili sa kanya ang overall lead matapos ang 111.8 kms. San Jose-Tarlac City Stage 6 ng Ronda Pilipinas 2018 kahapon dito.

Nadamay si 25-year-old Oranza sa grupong sumemplang bandang Camiling, Tarlac pero nakahabol sa unahan at duma­ting na segundo kay Stage 6 winner George Oconer ng Team Go for Gold.

“Ang hapdi ng gasgas ko kaya ayaw ko na humila pagkatapos ng semplang,” kuwento ni Villasis, Pangasinan native Oranza. “Tiniis ko ‘yung sakit para makahabol.”

Nagkapanabayan sa huling dalawang daang metro sina Oconer at Oranza, umigkas ang pambato ng Team Go for Gold upang ungusan ang Navy rider.

Nirehistro ni Oconer, 26, ang dalawang oras, 37 minuto at apat na segundo, kaparehong oras niya si Oranza, terserong dumating ang isa pang miyembro ng Navy na si Jhon Mark Camingao (2:37:06).

Mananatili kay Oranza ang Red Jersey paglarga ng 35.5 kms. Tarlac City-Monasterio de ­Tarlac ITT Stage 7 ngayong umaga.

May aggregate time si Oranza na 20 oras, 17 minuto at 12 segundo, anim na minuto at walong segundong agwat kay teammate at defending champion Jan Paul Morales.

Tumetersero sa Individual classification si Ronald Lomotos ng Navy (20:26:09). 

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?