186

Dec 29, 2017 @ 15:55
By

Piggy bank ng inmates, binasag para sa typhoons victims

Hindi nanghinayang ang mga inmates sa Dasmariñas City Jail Male Dormitory na basagin ang kani-kanilang mga piggy bank upang i-donate sa mga naging biktima ng mga bagyong Vinta at Urduja sa lalawigan.

Nakatanggap ng hindi inaasahang tulong ang mga biktimang sinalanta ng mga nasabing bagyo mula sa mga bilanggo ng nasabing piitan na bukal sa loob na isakripisyo ang kanilang ipon alang-alang ng kanilang Bayanihan.

Matapos malaman na nanawagan ng suporta at dasal si Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Chief Director Deogracias Tapayan sa mga tauhan ng pulisya at opisyal, sa pamamagitan ng kanilang warden na si Chief Insp. Roland Badio, ay boluntaryong nagbigay ng walong sakong bigas ang mga inmates para sa mga nasalanta ng bagyo.

Kabilang ito sa donasyon ng BJPM kasama ang 300 de-latang sardinas at 360 pack ng noodles na idineiber sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Operation Center sa Pasay City.

Nang tanungin kung saan nakuha ng inmates ang kanilang donasyon, sinabi ni BJMP Community Relations Service chief Senior Insp. Xavier Solda na galing ito sa kanilang programang pangkabuhayan.

“May savings sila sa mga napag-bentahan nila ng Christmas lanterns, basahan at kung anu-ano pang mga decors,” ayon kay Solda.

Mula kay Joey, bilanggo na nahaharap sa kasong droga, sinabi ni Warden Badio na gusto lamang nilang ibahagi kung ano ang meron sila sa loob.

“Dito po sa loob nakakakain kami ng maayos pero yung ibang tao lalo na ‘yung mga nasalanta ng bagyo, kawawa po sila” ani Joey.

“Let us extend whatever support we could give kahit gaano pa kaliit lalo na sa mga nasa karatig probinsiya o region,” apela sa mga tauhan at opisyal ng bilangguhan ni Tapayan. “Ang mahalaga, may nangangailangan ng tulong na mga kababayan natin at narito tayo para damayan sila” dagdag nito.

Ang mga tauhan na nagdala ng mga pagkain ay tumulong din sa repacking activity ng DSWD, bilang tugon na rin sa pangangailangan ng ahensya ng mga volunteers. Ang ilan sa mga volunteers ay mga estudyante na sumasailalim sa Jail Basic Recruit Course sa National Jail Management and Penology Training Institute.

“We are here not only to extend some relief goods but to volunteer also for the repacking of goods and para ipaalam na din sa iba na hindi lang naman mga items ang p’wede natin ma-extend sa mga kababayan natin kundi kahit konting oras para tulungan ‘yung mga ahensiya ng gobyerno natin na nakatutok ngayon sa relief operations gaya ng repacking na ginagawa namin ngayon”, ayon kay Badio.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?