109

Jan 22, 2019 @ 16:56
By

Pido hindi kuntento sa panalo ng GenSan

Panalo ang General Santos Warriors sa Basilan Steel. Pero hindi masaya si coach Ramon Pido.

Sa dikit na laban ng dalawang tropa, naalpasan ng Warriors ang Steel 83-81 sa Maharlika Pilipinas Basktetball League Datu Cup Lunes ng gabi sa Cuneta Astrodome sa Pasay.

Inamin ni Pido na naging kampante ang kanyang tropa matapos mapadapa ang number one team sa Southern Division na Davao Occidental Tigers.

“Naging complacent, instead of positibo ang resulta sa amin nagiging negative,” pag-amin ni Pido.

“Masyadong relax ‘yung depensa namin, we’re not the normal GenSan Warriors defense. We relax on defense.”

Naging gitgitan ang laban ng dalawang tropa sa pagpasok ng halftime at dito na umalagwa ang laro ng Steel at nagawang maibaba ang kalamangan sa isa, 82-81.

Nagawang maipasok ni Mark Rocha ang isa sa mga freethrow nito sa huling 9.4 na segundo ng laro para umangat sa 83-81 at may pagkakataon sana ang Steel na maitabla ang laro pero mintis ang jumper ni Dennise Daa.

Nanguna para sa Warriors si Mark Rocha na may 22 puntos habang umayuda naman ng 14 si Meylan Landicho.

Sa panalong ito, nasungkit nito ang ikaapat na pwesto sa Southern division bitbit ang 10-9 na win-loss records habang dulas naman sa 6-14 ang baraha ng Basilan Steel.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?