903

Dec 15, 2017 @ 16:20
By

Pictorial ng apo ni Duterte sa Malacañang ‘wag intrigahin – Palasyo

Hindi dapat palakihin ang pictorial sa Malacañang ng apo ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Isabelle para sa kanyang debut sa Enero 26.

Si Isabelle ay apo ng Pangulo sa anak na si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na sa tingin niya ay hindi isyu ang pictorial ng apo ng Presidente dahil kagaya rin lang ito ng ordinaryong tao na nagpapa-picture kapag nagawi sa Palasyo.

“Alam ko nag-pictorial lang noh, ang Presidente nga dapat nakatira sa Malacañang pero pinili niya huwag tumira sa Malacañang. Kung pinili niya tumira doon, eh sana kasama niya ang buong pamilya. I dont think it should be an issue,” ang pahayag ni Roque.

“So sa akin wala namang masama doon, nag-pose lang ng birthday ‘yung apo ng Presidente,” ang pahayag ni Roque.

Umiikot ngayon sa social media ang larawan ni Isabelle mula sa Instagram post kung saan suot ang ilang eleganteng gowns na kinunan sa loob ng Malacañang at sa tabi mg Presidential seal na kinuwestiyon ng ilang netizens.

Kasabay nito nilinaw ni Secretary Roque na walang pera ng gobyerno na ginastos sa binyag ng anak ng aktor na si Robin Padilla sa Malago clubhouse noong nakalipas na buwan.

Sinabi ng kalihim na ayaw ng Pangulo na ma-traffic kapag gusto siyang maimbitahan para sa mga social event.

“Hindi po ‘yan sagot ng gobyerno, sila ang sumagot niyan. Kung gusto nilang maimbitahan ang Presidente ay dapat gawin sa Malago clubhouse dahil ayaw ng Presidente na ma-traffic. Walang pera ng gobyerno na ginagamit para sa mga parties na ‘yan,” dagdag pa ng kalihim. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?