16

Oct 28, 2020 @ 14:00
By

Pia Magalona sa Comelec: Suportahan pagbasura sa poll protest ni Bongbong

Kabilang si Pia Magalona sa mga celebrity na humiling sa Commission on Elections (Comelec) na suportahan ang pagbasura sa election protest ni dating senador Bongbong Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.

Ang iba pang lumagda sa letter of appeal ay sina Agot Isidro, Noel Ferrer, Carlos Aguilos, Kalila Aguilos, Maysch Bay, Bayang Barrios, Iza Calzado, Enchong Dee, Reymundo Domingo, Bituin Escalante, Arman Ferrer, Sweet Plantado-Tiongson, Jet Valle, at Adrienne Vergara.

Matatandaang pinakokomento ng Presidential Electoral Tribunal (PET) ang Comelec at Office of the Solicitor General (OSG) sa ikatlong cause of action ni Marcos na layong ipawalang-bisa ang mga boto mula sa Basilan, Lanao del Sur at Maguindanao dahil sa umano’y dayaan at terorismo.

Ayon sa grupo, mahalaga ang pananaw ng Comelec sa magiging desisyon ng Supreme Court, na tumatayong PET, sa nasabing isyu.

“Comelec made a stand for truth and fairness when it informed the PET that the 25-percent threshold must be used for the recount of ballots, with the poll body recognizing the disservice to change the rules in the middle of the proceedings,” ayon sa grupo.

“This time, we are appealing to the poll body to underscore the enforcement of election rules, particularly Comelec Resolution No. 9720 and Rule 65 of the PET Rules, as means to resolve this protest,” dagdag nito.

Sa Resolution No. 9720, pinahiwatig ng Comelec ang halaga ng pagkuha ng makatuwirang recovery mula sa pilot provinces dahil ang kawalan nito ay maaaring humantong sa pagbasura ng protesta nang walang karagdagang paglilitis.

Nakasaad naman sa Rule 65 ng PET na puwedeng tanggalin ang isang election protest kapag hindi nakakuha ng substantial recovery ang nagprotesta mula sa mga tinukoy niyang pilot provinces.

Sa kaso ni Marcos, bigo siyang magkamit ng substantial recovery sa manual recount ng mga balota mula sa pilot provinces ng Iloilo, Negros Oriental, at Camarines Sur na pawang siya mismo ang pumili.

Katunayan, nakakuha pa si Robredo ng higit 15,000 boto sa recount, na ayon sa mga artista ay “reason enough to dismiss the protest by virtue of Rule 65.”

“We firmly appeal to the Comelec to uphold the implementation of PET Rule 65 and Comelec Resolution No. 9720 so as not to disenfranchise millions of voters and to preserve our election processes and the faith of the Filipino people that justice has no color,” sambit pa ng mga personalidad.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?