20

Sep 5, 2021 @ 17:19
By

Phoenix Suns ng PBA? Dyip sinagasaan Bossing

Inilista ng Terrafirma Dyip ang kanilang ikatlong sunod na panalo sa PBA Philippine Cup matapos ibaon sa limot ang Blackwater Bossing, 96-84 nitong Linggo sa Pampanga.

Tabla sa 65-65 ang laro pagkatapos ng third quarter ngunit sinimulan ng Dyip ang final period sa 24-8 ratsada upang umalagwa at masiguro ang panalo.

Gumanda ang kartada ng Dyip sa 3-4, at nanatiling walang talo sa Pampanga bubble.

Nalimitahan sa 10 points ang nagliliyab na si Juami Tiongson ngunit nakakuha naman ang Terrafirma ng sapat na kontribusyon sa iba pang manlalaro.

Nanguna para sa Dyip si Aldrech Ramos na may 17 points, habang 15 points ang dinagdag ni Reden Celda at halimaw na 12 points at 11 rebounds naman ang binuhos ni Andreas Cahilig.

Si Mike Tolomia ay umiskor ng 14 points para pangunahan ang Bossing na lalong nasadlak sa dulo ng standings sa kanilang 0-7 kartada.

May apat na laro na lamang ang Dyip sa eliminations para magaya ang ginawa ng Phoenix Suns na naging 8-0 sa Orlando Bubble noong 2020 kahit kapos makapasok ng NBA playoffs.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?