73

Jan 18, 2020 @ 14:13
By

Phivolcs: Tuloy ang kasal sa Tagaytay!

Hindi dapat ikansela ng mga mag-iisang dibdib ang kanilang wedding ceremony sa Tagaytay.

Ayon kay Phivolcs director Renato Solidum, walang dahilan para hindi matuloy ang mga kasalan sa naturang lugar kahit pa nasa Alert Level 4 status ang Bulkang Taal na ibig sabihin ay pwedeng magkaroon ng eruption anumang oras.

Saad ni Solidum, kailangan lang na magkaroon ng response unit ang mga establisimyento at linisin ang mga abo na mula sa bulkan para makapagbukas muli at maituloy ang mga aktibidad.

“Ang importante lang pagdating ng mga abo, syempre nilinis muna dapat nila ang kanilang mga facility para naman hindi maging health hazard ang mga abo,” saad ni Solidum.

“Maliban sa activity ng volcano, ang karamihang tanong sa’min ay kung itutuloy ang kasal, sabi namin ituloy kasi malayo naman sila, as long as yung kasal ay hindi sa loob ng danger zone,” aniya pa.

Matatandaan na noong magkaroon ng phreatic explosion ang Taal ay isang couple ang hindi napigilan ang pagpapakasal at naging background pa ang fume mula sa bulkan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?