146

PHISGOC’s Cayetano: 95% ng batikos sa SEAG ‘fake news’!

“This is an anti-Duterte [move],” – ang giit House Speaker at Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) Chairman Alan Peter Cayetano tungkol sa mga ‘walang-hiyang’ tao na gusto umanong sirain ang image ng bansa bilang host ng Southeast Asian (SEA) Games 2019.

Nagpaliwanag si Cayetano ngayong Huwebes ng umaga sa Club Filipino sa San Juan, kung saan guest of honor siya ng ika-44 National Prayer Breakfast.

Ayon sa mambabatas, may “operasyon” umano gamit ang mga pekeng balita upang i-discredit siya at ang mga organizer ng SEA Games.

“It’s very sad na ‘yung ibang naninira, ibang nagta-target, Pilipino din, tapos fake news pa,” saad ni Cayetano.

Pinabulaanan din ni Cayetano ang sunud-sunod na mga aberyang nabalita tungkol sa biennial meet, gaya ng kakulangan sa halal food para sa mga atletang Muslim at pagpapakain ng kikiam sa Philippine women’s football team.

“Chicken sausage ‘yan. Chicken, egg, and rice have the nutrients,” ani Phisgoc chairman.

Taliwas din sa ilang pahayag, sinabi niyang wala raw silang kinita sa budget ng SEA Games, na kinumpara ni Senador Panfilo Lacson sa kaso ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) Scam ni Janet Lim-Napoles.

“I’m willing to have a lie detector test, kaming tatlo. And I can look anyone in the eye saying wala kaming kinita sa SEA Games, abonado pa nga kami sa mga nangyari,” hayag ni Cayetano.

Sinabi niya ring 95% umano ng kritisismo sa hosting ng SEA Games ay “fake news.”

Gayunman, nangako ang Phisgoc Chair na magiging maayos ang hosting ng bansa at hindi siya magtatago sa mga sisingil sa kanya matapos ang SEA Games.

“First and foremost, this is going to be great hosting. You will be very, very proud of your country, athletes once matapos ang SEA Games,” aniya.

Magaganap ang SEA Games mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?