36

Nov 23, 2020 @ 16:23
By

PhilHealth official na may ‘lap dance’ sa b-day dinemanda sa CHR

Nireklamo sa Commission on Human Rights (CHR) ang isang opisyal ng Philippine Health Insurance Corp. na sinayawan ng halos hubo’t hubad na babae noong kaarawan nito.

Sa ulat ng dzBB, Nobyembre 23, sinabing naghain ng reklamo sa CHR ang mga grupong Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa, Coalition Against Trafficking in Women, Partido Manggagawa, WomenHealth Philippines, at Pambansang Koalisyon ng Kababaihan sa Kanayunan.

Pinalagan ng mga grupo ang nangyari noong kaarawan ni Paolo Johann Perez, ang PhilHealth Regional Vice President for Region IV-B.

Sa viral video, makikita na nakaupo ang opisyal sa isang upuan, pinapalibutan ng kanyang mga katrabaho, at sa harap ay sinasayawan ng babae na nakasuot lang ng underwear. Ang babae ay “regalo” ng staff para sa kaarawan ni Perez.

Punto ng mga grupo, lumabag ang PhilHealth official sa women’s rights sa ilalim ng Code of Conduct and Ethical Standard for Public Officials and Employees, at Magna Carta of Women.

Pinaiimbestigahan sa CHR hindi lang si Perez kundi maging ang ibang mga sangkot na empleyado sa nasabing “birthday gift.”

Dagdag pa ng mga grupo, dapat paigtingin ang gender development seminars sa lahat ng mga government agency para hindi na maulit ang insidente.

Ayon naman sa CHR IV-B, kapag napatunayang may bigat ang reklamo ay magrerekomenda sila ng pagsasampa ng mga kasong administratibo at kriminal laban kay Perez.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?