47

Aug 18, 2020 @ 18:41
By

PhilHealth nalugi sa ‘Plan 5M’ ni Duque para kay GMA

Ibinunyag ng isang opisyal ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na nalugi ang ahensiya dahil sa hindi pagbabayad ng premium matapos ilunsad ni Health Secretary Francisco Duque III ang pamamahagi ng limang milyong insurance card na naglalaman ng litrato ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

“Yun po ang unang dahilan ng pagkalugi ng PhilHealth,” pahayag ni Dennis Adre, regional vice president ng PhilHealth sa Davao City, sa pagdinig ng Senado sa alegasyon ng katiwalian sa ahensiya.

Ayon kay Adre, inilunsad ni Duqqe ang “Plan 5M” bago pa ang presidential election noong 2004.

Inutusan umano ang lahat ng regional vice president na ipakalat ang mahigit limang milyong libreng PhilHealth card para mahabol ang limang milyong lamang sa pre-election survey ng yumaong aktor na si Fernando Poe Jr.

“Noon pong may survey na the late FPJ ay nangunguna ng five million votes sa survey, kaya po 5 million din ang cards na ipinamigay ng PhilHealth na libre,” pahayag ni Adre matapos tanungin ni Senadora Grace Poe, na anak ng yumaong aktor.

“These free PhilHealth cards were to be distributed then to the perceived political allies nationwide during the election period to offset the 5 million lead of the late FPJ in the surveys,” sabi pa ni Adre sa kanyang posisyon paper na ibinigay sa Senado.

Sinabihan din umano sila ni Duque na walang PhilHealth card na dapat ilaan sa noo’y Davao City Mayor at ngayo’y Pangulong Rodrigo Duterte.

“Sa maalala ko po, kaya kami nagkaroon ng konting hidwaan ay dahil nilinaw ko po kung bakit si dating Mayor Duterte ay hindi niya (Duque) pinabibigyan ng PhilHealth cards,” saad pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?