218
risa-hontiveros-kolumn
Jul 25, 2018 @ 17:46
By

PhilHealth coverage para sa mga PWDs

Nitong Martes ay umusad na sa Senado ang Senate Bill 1391 (dating Senate Bill 377) o ang Mandatory PhilHealth Coverage for PWDs (Persons with Disabilities) kung saan ako ang principal sponsor at isa sa mga may-akda.

Lumusot ang panukalang ito sa pangalawang pagbasa sa Mataas na Kapulungan kung saan abot-kamay na ang awtomatikong coverage sa National Health Insurance Program (NHIP) para sa mga kababayan nating may kapansanan.

Nagpapasalamat ako sa mga kapwa ko senador dahil sa kanilang commitment upang maipasa ito at mabigyan ng tulong ang ating nangangailangang mga mamamayan. Konting paghihintay nalang at nawa’y tuluyang maipasa na ito sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Senado.

Bilang Vice Chair ng Senate Committee on Health, ninanais nating bigyang ayuda ang 1.4 milyong Pilipino na may kapansanan. Karamihan sa kanila ay mahihirap at hindi kakayanin ang patuloy na pagtaas ng mga bilihin lalo na ang pangangalagang pangkalusugan.

Kapag ito ay napasa, ito ay magrerepaso sa Republic Act No. 7277 o ang Magna Carta for Disabled Persons. Ang panukalang ito ay magmamandato na ang kontribusyon ng mga PWDs ay babayaran ng gobyerno subalit para sa mga PWDs na may trabaho, ang kontribusyon ay paghahatian ng employer at ng gobyerno. Ang pambayad dito ay manggagaling sa sin tax collection.

Isang komprehensibong pangangalagang pangkalusugan ang nilalayon ng panukalang ito para sa mga kababayan nating may kapansanan. Kapag ito ay napasa, ito ay nangangahulugan na katulad ng sa mga senior citizens natin, hindi na kailangang magbayad pa ng buwanang hulog sa PhilHealth ang ating mga kababayang PWDs. Pag PWD ka, automatic member ka dapat agad ng PhilHealth.

Sa aking pananaw, ang ating mga PWDs ay nangangailangan ng mas makabuluhang ayuda mula sa ating gobyerno. Hindi naman lingid sa ating lahat ang hirap na dinaranas ng mga kababayan nating PWDs sa aspeto ng paghahanap ng trabaho, maging sa pagpasok sa paaralan hanggang kung sila ay magkakasakit. Ang mga may kapansanan ay nahaharap sa dobleng pagsubok kapag nagkakasakit. Mas doble ang hirap kapag ikaw ay may kapansanan na at nagkasakit pa. Ito ay lalo na sa mga PWDs nating mga kababayan na mahihirap.

Ang pagpasa ng panukalang ito ay parte ng ating adbokasiya upang magkaroon tayo ng Universal Health Care sa bansa. Walang dapat maiiwan pagdating sa usapin ng kalusugan. Hindi dapat kinakalimutan at iniiwan sa ere ang mga PWDs.

Sa panukalang ito, kapag awtomatikong na-cover na ang ating mga kababayang PWDs, makakasiguro na kapag sila ay nagkasakit at naospital, babayaran ng PhilHealth, partial man o kabuuan, ang kanilang mga kinailangang serbisyong medikal.

Bukod pa dito ay aatasan ang PhilHealth na magkaroon ng mga tinatawag na “exclusive packages” para sa mga PWDs kung saan ikokonsidera ang iba pa nilang pangangailangan.

Makakaasa kayong itutulak natin ang pagpasa ng panukalang ito hanggang sa maapruba na ito ng Senado.

***
Sa mga nagnanais na magpadala ng katanungang pangkalusugan at pangkababaihan kay Senator Risa Hontiveros, sumulat lamang saitanongkayrisa@gmail.com.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?