211

Dec 3, 2021 @ 21:08
By

Pharmally exec: Hindi kami kriminal, kasuhan n’yo na lang kami

Hiniling ni Pharmally Pharmaceutical Corp. Director Linconn Ong sa Senado na kasuhan na lang sila sa korte dahil hindi naman sila kriminal at nahihirapan na sila sa kanilang kalagayan sa kulungan.

“Siguro file-an na lang po kami ng kaso kasi nagsa-suffer po talaga kami sa kulungan, ‘di naman po kami criminal,” apela ni Ong sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate blue ribbon committee sa maanomalyang pagbili ng COVID-19 medical supply.

Ginawa ni Ong ang panawagan matapos siyang pigain kasama si Mohit Dargani, corporate secretary ng Pharmally, ni Senadora Risa Hontiveros hinggil sa kinaroroonan ng kahon na naglalaman ng financial statement ng kumpanya na hinihingi ng Senado.

Si Ong at Dargani ay naunang nasa kustodiya ng Senate subalit inilipat noong Lunes sa Pasay City Jail dahil sa pagkabigong ilabas ang dokumentong hinihingi ng mga senador.

“I am convincing you, ibigay ninyo na sa kumite ‘yung tao na may hawak ng mga dokumento na ‘yon para makuha na naman at mapag-aralan,” hiling ni Hontiveros kina Ong at Dargani.

Subalit tugon ni Ong, wala silang impormasyon sa kinaroroonan ng mga kahon ng dokumento.

Subalit giit ni Hontiveros, imposibleng hindi umano alam ng mga opisyal ng Pharmally ang mga dokumento lalo na’t bilyon ang halaga ng transaksiyon ang nakuha nila sa gobyerno sa suplay ng COVID-19 medical supply.

Ang Pharmally ay nasa sentro ng imbestigasyon ng Senado matapos makakuha ng mahigit P8.6 bilyon kontrata para suplay ang gobyerno ng mga kagamitan para sa pandemya tulad ng face masks, face shield, personal protective equipment at iba pa noong 2020.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?