166

By

Pharmacist, nurse arestado sa buy-bust

Nadakip ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang lisensiyadong pharmacist at registered nurse sa magkasunod na isinagawang anti-illegal drugs operation sa Pasig City at Quezon City.

Kinilala ni PDEA Director General Aaron Aquino ang dalawang suspek na sina Juan Carlos Reyes, licensed pharmacist; at Nilo Manipon, isang registered nurse, mga residente ng Pasig at Quezon City.

Unang nadakip si Reyes dakong alas-2:30 ng madaling-araw (Setyembre 19) sa Room 2212 ng Pribato Hotel sa Pasig.

Nasamsam kay Reyes ang isang capsule ng fly high na nagkakahalaga ng P2,500; 6 na sachet ng marijuana kush na may timbang na 6 gramo at nagkakahalaga ng P12,000; isang gramo ng marijuana seeds na may halagang P3,000; 20 tableta ng ecstacy na nagkakahalaga ng P42,000; liquid ecstacy na ang halaga ay P426,000; one check booklet, buy-bust money at mga drug paraphernalia na may kabuuang halaga na P483,500.

Sumunod na nadakip si Manipon alas-4:20 ng madaling-araw (Setyembre 19) sa Kamuning Road, QC.

Nasamsam sa kaniya ang 15 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P102,000; 12 capsule ng fly high na nagkakahalaga ng P30,000; 5 tableta ng ecstacy na may katumbas na halagang P10,000; isang kotseng Honda BRV at mga drug paraphernalia.

Umaabot sa higit P.6 milyon ang kabuuang droga ang nasamsam sa dalawang suspek.

Ang mga nadakip ay nakapiit ngayon sa PDEA headquarters sa Nia Road, Brgy. Pinyahan, QC, habang inihahanda ang kaso nilang paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?