18

May 3, 2021 @ 17:26
By

PH women’s volley team, nakakuha Brazilian coach

Isang dating player ng Brazil men’s volleyball team ang nakuhang bagong coach ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) para sa women’s national team.

Si Jorge Edson Souza de Brito, 54, ay pinangalanan ng PNVF bilang bagong coach ng women’s national volleyball team. Si Souza de Brito ay parte ng men’s volleyball team ng Brazil na nasungkit ang gintong medalya noong 1992 Barcelona Olympics.

Bukod sa pagiging dating player, sumabak na rin sa ilang coaching duties si Souza de Brito. Isa sa kanyang mga koponan na nahawakan ay ang women’s national team ng kanyang bansa na nagwagi ng ginto sa 2008 Beijing Olympics. Naging head coach din siya ng iba’t-ibang koponan sa mga liga sa Brazil.

Ang pagkakakuha ng women’s volley team kay de Brito ay bunga ng pagsuportang binigay ng International Volleyball Federation (FIVB) sa national team. Ang FIVB rin ang siyang magpapasweldo kay Souza de Brito.

Nagpasalamat naman si PNVF president Tats Suzara sa pagsuporta ng FIVB at sa pagkuha sa batikang coach.

“We are thankful for the FIVB’s quick response to our request and we are more thankful that the federation picked an excellent man for the job,” saad ni Suzara sa isang pahayag.

Ayon kay Suzara, maaaring dumating sa Pilipinas si Souza de Brito ngayong Hunyo o ‘di kaya’y sa buwan ng Hulyo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?