6

Dec 27, 2020 @ 11:31
By

PH uulanin dahil sa LPA

Maulan ang Linggo ng Metro Manila at ng malaking bahagi ng Pilipinas dahil sa trough o extension ng dalawang low pressure area (LPA) sa bansa.

Sa kanilang 5 a.m. weather update, sinabi ng Pagasa na kanilang binabantayan ang dalawang LPA sa loob ng Philippine area of responsibility.

“Ang una na po rito ay ito ngang LPA na namataan naman sa layong 55 kilometers west-southwest po ng Puerto Princesa City. At ang pangalawa nating LPA ay namataan naman dito po sa layong 95 kilometers silangan po ng Catarman, Northern Samar,” ani weather specialist Meno Mendoza sa Facebook.

“Ang dalawang LPA, sa susunod na 24 oras, ay mababa naman po ang tsansa na isang maging ganap na bagyo. ‘Yun nga lang po, patuloy po itong magdadala ng pag-ulan sa malaking bahagi po ng ating bansa,” saad niya pa.

Dahil aniya sa amihan ay mararanasan ang maulap na kalangitan na may mga pag-ulan sa Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region.

Samantala, patuloy na mararanasan sa Metro Manila, Aurora, Bulacan, Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan), Bicol region, Zamboanga Peninsula, Caraga region, at buong Kabisayaan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na mga pag-ulan dulot ng trough ng mga LPA.

Sa Ilocos region naman, ayon kay Mendoza, mararanasan ang maaliwalas na panahon na may posibilidad pa rin ng mga pulo-pulong mahinang pag-ulan na dulot ng amihan.

Sa nalalabing bahagi ng Mindanao, magkakaroon ng maaliwalas na panahon at posible pa rin ang isolated thunderstorms pagdating ng hapon at gabi.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?