20

Nov 19, 2021 @ 18:06
By

PH utang pa more ng P30B sa ADB

Inaprubahan ng Asian Development Bank (ADB) ang $600 milyong pautang sa Pilipinas na katumbas ng P30 bilyon para sa Universal Health Care reform program.

Sabi ng ADB, layon ng programa na suportahan ang sinusulong ng pamahalaan na mapabuti ang paglalaan ng pondo para sa health services sa mga Pilipino at maglagay ng pamantayan upang mabantayan ang performance ng mga health service provider.

Ipinasa ang Universal Health Care (UHC) Act noong Pebrero 2019 subalit wala itong kaakibat na sapat na pondo kaya’t problema ang bayaran ng premium sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na siyang inaasahang maging haligi ng programa.

Sabi ni ADB Director of Human and Social Development for Southeast Asia Ayako Inagaki, ipinakita ng COVID-19 pandemic ang kakulangan ng health care service delivery sa bansa at layunin ng programa na palakasin ang kakayanan ng pamahalaan na makamit ang mga layunin ng UHC.

Nabahala ang mga senador ngayong linggo nang pinag-uusapan ang budget ng Department of Health (DOH) kasama na ang PhilHealth dahil ang bayad sa mga premium ng ilang mga miyembro nito ay unprogrammed at uutangin pa ito ng pamahalaan.

Sabi ng ADB, may $2 milyon o P100 milyong technical assistance grant pa mula sa Japan Fund for Poverty Reduction na gagamitin para tulungan ang mga local government unit na magpatupad ng health policy reform.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?