55

Dec 19, 2017 @ 14:05
By

PH umatras sa 2nd millennium challenge para tutukan ang Marawi

Iniatras ng gobyerno ang aplikasyon para sa second cycle ng millennium challenge ng Amerika.

Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque, nais muna ng gobyerno na tutukan ang pagbangon ng Marawi City.

Sa ilalim ng millennium challenge, hindi kasali sa kanilang mga pinopondohang proyekto ang pagsasaayos sa mga lugar na nawasak lalo na kung sinadyang gawin ito.

Ang Millennium Challenge Corporation (MCC) ay isang independent US foreign aid agency na tumutulong sa ibang mga bansa para mabawasan ang antas ng kahirapan at maitaas ang paglago ng ekonomiya nito.

Hindi kasama sa objectives ng MCC ang pagpopondo sa mga lugar na nawasak lalo na kung sinadyang gawin ito tulad ng nangyari sa Marawi City.

Ayon kay Roque, nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin sa rehabilitation at reconstruction ng Marawi ang bahagi ng pondo ng gobyerno at mga donasyong nakukuha nito mula sa iba’t ibang sources at foreign aid.

“We have opted to withdraw from the second Millennium Challenge and this is because it was deemed by our policy makers — the decision to withdraw was because of the urgent priority of the administration to rebuild Marawi,” ang pahayag ni Roque.

Umaasa ang gobyerno na hindi sana ito maging dahilan para hindi na maglaan ng tulong ang Amerika sa Pilipinas sa ibang mga proyektong pakikinabangan ng mayorya ng mga Pilipino.

“We are confident that he US government fully understands the decision to reallocate our funding priority for this year and that this will not, in any way, adversely impact our eligibility for another round of compact assistance in the future because it calls for counterpart financing as well,” dagdag pa ni Roque.

Nauna nang tumanggap ang Pilipinas ng $434 million sa MCC compact noong 2010 para pondohan ang tatlong mga pangunahing proyekto kabilang dito ang pagkumpuni ng $214.4 million 220 kms Samar road, $120 million Kalahi Cidds development project, at ang $54.3 million investments para gawing computerize na ang business process sa Bureau of Internal Revenue para maiwasan ang mga insidente ng katiwalian.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?