64

Oct 1, 2017 @ 13:25

PH, open sa independent drug war probe ng UN – Cayetano

Sang-ayon ang gobyerno na maimbestigahan ang mga ibinibintang na mga paglabag sa karapatang-pantao at patayan kaugnay sa isinasagawang war on drugs ng administrasyong-Duterte.

Ito ang sinabi ni Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano kay United Nations Sec. Gen. Antonio Gutteres sa kanilang pulong sa UN Headquarters sa New York.

Kabilang sa inihayag ni Cayetano ay ang pagtungo ng mga eksperto sa Pilipinas para personal na busisiin ang lagay ng karapatang-pantao sa bansa.

Ngunit pagkasabi nito ay agad may hirit si Cayetano kay Gutteres na huwag magpadala ng ‘bias experts’ sa bansa.

“All we want is an impartial assessment and not outright condemnation to help us understand the extent of the problems that we are confronted with,” paliwanag nito kay Gutteres.

Binanggit din niya na nagkaroon na kasi ng ‘pre judgement’ si UN special rapporteur on summary executions Agnes Callamard at binansagan na nitong mamamatay-tao si Pangulong Rodrigo Duterte.

Magugunita na ilang beses pinagmumura ni Pangulong Duterte si Callamard dahil sa mga pahayag nito ukol sa paglaganap ng extra judicial killings simula nang ilunsad ang war on drugs ng gobyerno.

Simula Hulyo 2016 hanggang noong nakaraang buwan, ayon sa PNP nakapagtala na sila ng 6,226 napapatay na may kaugnayan sa droga at 3,580 ang namatay sa mga police operations at ang iba naman ay itinuturing na ‘death under investigation.’

Nasa 85 naman na ang napatay na pulis at sundalo.

Samantala, sa pulong nina Gutteres at Cayetano, nagpasalamat ang kalihim sa pagpayag nito na ibahagi ang panig ng administrasyong-Duterte ukol sa mga nangyayari sa kampaniya kontra droga.

“We will fully cooperate and work with you on a rationale, open, fair dialogue on our campaign against crime and illegal drugs,” sabi ni Cayetano kay Gutteres sabay pag imbita sa UN chief na dumalaw sa Pilipinas.

Gayunpaman, may himig paghihimutok pa rin si Cayetano nang ikatuwiran nito na mali ang paniniwala ng ibang bansa dahil sa mga balita kung saan naipapakita na malala na ang lagay ng karapatang pantao sa Pilipinas.

“We’re not turning our back on human rights. Our campaign against crime and illegal drugs is not intended to violate human rights; it is intended protect the human rights of our people,” depensa pa ni Cayetano.

Bago ito, ipinunto ng Iceland at iba pang bansa na karamihan ay sa Europe sa UN Human Rights Commission sa Geneva ang lumalalang human rights record ng Pilipinas. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?