63

Oct 24, 2017 @ 15:41

PH naka-red alert sa ASEAN Summit

Magpapatupad ng red alert sa buong bansa sa buong panahon ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit simula November 13 -17.

Sinabi kahapon ni Ambassador Marciano Paynor Jr. , Director General for Operations ng ASEAN 2017 National Organizing Commitee, hindi lamang sa mga venues ng ASEAN hihigpitan ang seguridad dahil nais makasiguro ng gobyerno na walang masamang mangyayari sa kahit saang panig ng bansa.

Aniya, magiging highest alert ito para matiyak ang kaligtasan ng mga delegadong dadalo sa ASEAN summit at iba pang mga dayuhang bisita.

“It will be the highest alert. Red alert is, as far as I know, is the highest ‘no. But even with just red alert, it will be even higher than that,” sabi ni Paynor.

“The whole country will also be on alert because we would not want anything happening anywhere in the Philippines during those days,” dagdag pa nito.

Lahat ng istasyon ng pulis, kampo ng militar at lahat ng mga ssecurity agencies sa buong bansa ay ilalagay din sa full alert status.

Tiniyak pa ni Paynor na nakalatag na ang mga preparasyon para sa pagdaraos ng ASEAN summit kung saan inaasahang darating sa bansa ang 21 heads of state, heads of government kasama na ang Secretary General ng United Nations.

Nakipag-ugnayan na rin ang opisyal sa mga local executives ng Pampanga, Bulacan at Metro Manila at hiningi ang kanilang suporta lalo na sa aspeto ng seguridad, daloy ng traffic at kalinisan para hindi mapahiya ang bansa sa mga bisita. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?