23

Jul 20, 2021 @ 16:14
By

PH may reserbang 10M COVID bakuna – Galvez

Mayroong sapat na supply ng bakuna ang bansa laban sa COVID-19 na tatagal ng hanggang 32 araw.

Ito ang iniulat ni vaccine czar Carlito Galvez kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang Talk to the People nitong Lunes ng gabi.

Ayon kay Galvez, maganda ang sitwasyon ng supply ng bakuna dahil mayroon aniyang 10 milyong stockpile ng COVID vaccine na tatagal hanggang August 17.

Hindi na aniya sila kakabahan na magkaubusan ng supply ng bakuna dahil sunod-sunod ang pagdating ng COVID vaccine sa bansa nitong nakalipas na mga araw.

“Tinatanong n’yo po kung ano state ng stockpile, medyo maganda na po ang atin — hindi na po tayo kakaba-kaba. PH already reached its desired stockpile level of above 10 million,” ani Galvez.

Sa kabuuan ayon sa kalihim, nakatanggap na ang Pilipinas ng kabuuang 27,922,360 dose ng COVID vaccine mula sa iba’t ibang vaccine manufacturer, kasama na rito ang donasyon ng COVAX facility.

Tinitiyak ni Galvez kay Pangulong Duterte na hindi mauubusan ng bakuna hanggang August 17 dahil sapat ang supply na dumating sa bansa.

“Iyon po ang ano po na ibig sabihin kampante po tayo na sa August 17 hindi po tayo magkaroon ng shortage,” dagdag ni Galvez.

Pinasalamatan ng vaccine czar ang Estados Unidos at Japan dahil sa donasyon nilang bakuna na idinaan sa COVAX facility kung saan napakalaking tulong aniya ito sa bansa.

Sinabi ni Galvez na sa kabuuan ay umabot na sa mahigt 15 milyong mga Pilipino ang nabakunahan laban sa COVID-19.

Sa kabila ng pagmamalaki ni Galvez na mayroong sampung milyong stockpile ng COVID vaccine, marami pa ring mga local government unit ang kulang ang supply ng bakuna kaya hindi tuloy-tuloy ang pagbabakuna sa kanilang mamamayan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?