14
Antonio-Carpio
By

PH magpapatupad ng arbitral award sa South China Sea – Carpio

Sharing is caring!

Kahit wala ang partisipasyon ng China, maari pa ring ipatupad ng Pilipinas ang naging ruling ng Permanent Court of Arbitration sa isyu ng agawan ng teritoryo sa South China Sea.

Tatlo ang inilatag na mungkahi ni Supreme Court Acting Chief Justice Antonio Carpio.

Una, maaring pumasok sa kasunduan ang Pilipinas at Vietnam kaugnay ng overlapping extended continental shelves sa Spratlys.

Maari umanong gawing batayan ng kasunduan ang tinukoy ng Arbitral Tribunal na walang geologic feature sa Spratlys na maaring maging basehan ng exclusive economic zone, kaya walang maituturing na overlapping EEZ sa pagitan ng Pilipinas at Vietnam, kundi overlapping extended continental shelves lamang.

Ikalawa, maari ring pumasok sa kaparehong sea boundary agreement ang Pilipinas at Malaysia para matukoy ang hangganan ng magkadikit na exclusive economic zone sa pagitan ng Borneo at ng Palawan.

Ikatlo, maari umanong maghain ang Pilipinas sa UN Commission on the Limits of the Continental Shelf ng claim para sa extended continental shelf sa baybayin ng Luzon na malapit sa South China Sea.

Hindi umano kailangan ng Pilipinas ang pahintulot o partisipasyon ng China sa paghahain ng nasabing claim na inihalintulad ni Carpio sa pagsusulong ng claim ng Pilipinas sa Benham Rise na nasa Philippine Sea.

Alinsunod umano ito sa ruling ng Arbitral Tribunal na ang Pilipinas ay mayrooong buong 200 nautical miles na exclusive economic zone mula sa baybayin ng Luzon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?