105

Sep 19, 2019 @ 15:04
By

PH, Indonesia, Malaysia kapit-bisig sa pagtatayo ng maritime command centers

Nagkasundo ang Pilipinas, Malaysia at Indonesia na magtayo ng mga maritime command center sa common boundary nila para tugunan ang problema sa pamimirata, hijacking, kidnapping at human smuggling.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Mindanao Command Commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana, ang “Trilateral Cooperative Agreement” ang napagkasunduan ng mga opisyal ng tatlong bansa sa isinagawang pagpupulong sa Penang, Malaysia noong Miyerkoles.

Sinabi ni Sobejana na sa ilalim ng kasunduan, ang bawat bansa ay magtatatag ng tig-isang maritime command center na ang bawat isa ay may representatives mula sa Pilipinas, Malaysia at Indonesia.

Ayon pa sa opisyal, sa pamamagitan ng ganoong set-up ay mas mapapahusay ang information sharing ng tatlong bansa kontra sa krimen sa karagatan kabilang ang kidnapping, hijacking at human smuggling.

Sa parte ng Pilipinas, ang maritime command center ay itatayo sa Barangay Bato-Bato, Panglima Sugala sa Tawi-Tawi.

Bukod sa maritime command center, magkakaroon din ng reaction unit ang bawat bansa na aaksiyon kaagad sa sandaling may mga insidente.

Dagdag ni Sobejana, napagkasunduan din ng tatlong bansa ang pagkakaroon ng synchronized naval patrol, port visitation at trilateral o bilateral naval exercise.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?