17

Jan 9, 2022 @ 17:21
By

PH hiniritan pa ADB ng P120B utang

Umaasa ang pamahalaan na makautang pa ng kabuuang $2.4 bilyon o P120 bilyon mula sa Asian Development Bank (ADB) ngayong taon.

Ayon sa datos ng Development Budget Coordinating Council (DBCC), ang $2.4 bilyon ay mahahati sa anim na magkakaibang utang o loan program na tig-$400 o P20 bilyon: Build Universal Health Care Program, Local Governance Reform Sector Development Program subprogram 2, Facilitating Youth School-To-Work Transition subprogram 3, Support for Post-COVID Employment Recovery, Support to Capital Market Generated Infrastructure Financing subprogram 2, at Competitive and Inclusive Agricultural Development subprogram 2.

Base sa dokumento, ang anim na mga loan program ay pinag-uusapan pa at wala pang pirmahang nagaganap.

Nasa Pilipinas ang ADB headquarter at malaki ang itinulong nito sa bansa nang nagsimula ang pandemya, lalo na ang pagpapautang sa pamahalaan nang bumagsak ang koleksyon nito ng buwis dahil maraming negosyo ang nagsara at nawalan ng trabaho.

Halos dumoble na ang utang ng pamahalaan mula nang umupo ang admnistrasyong Duterte.

Nasa P5.95 trilyon ang utang ng pamahalaan noong katapusan ng Hunyo 2016. Noong katapusan ng 2019 o bago magkaroon ng pandemya, umabot na ang utang sa P8.22 trilyon.

Nitong katapusan ng Nobyembre 2021, nasa P11.93 trilyon na ang mga utang ng pamahalaan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?