102

May 16, 2019 @ 18:08
By ,

PH boxer Arizala na na-coma sa Japan, nakabalik na sa bansa

Nakabalik na sa bansa ang Pinoy boxer na si Rene Arizala mula sa Japan, higit isang buwan matapos ma-coma at sumailalim sa dalawang operasyon sa utak.

Miyerkoles, Mayo 15, dumating sa bansa si Arizala, na-comatose matapos ang laban kontra Tsuyoshi Tameda noong Marso 31 sa Yokohama, Japan.

Nitong Huwebes ay dinala siya sa tanggapan ng Games and Amusement Board (GAB) sa Makati kasama ang ilang kinatawan ng Japan Boxing Commission (JBC) at Japan Pro Boxing Association (JPBA) para sa isang press conference.

Sa panayam ng media kay Arizala, sinabi nito na wala siyang kakaibang naramdaman habang nasa gitna ng laban dahil bawat round ay chine-check siya kung ayos lang ba siya.

“Wala naman po kasi bawat round po okay naman po ‘yung pakiramadam ko talagang naaalala ko lang po ‘yung jab straight nang ma-corner ako, na-solidan ako (sa kaliwang panga),” sabi ni Arizala. “Aksidente lang po talaga ngayon ang nangyari.”

Kasalukuyan nasa magandang kondisyon na ang kasulugan ng 24-anyos na tubong San Pascual, Masbate na si Arizala pero sumasailalim pa rin sa therapy ang kaliwang binti nito para mas mapabilis at maging normal ang kanyang paglalakad.

Dahil sa mapait na takbo sa kanyang karera sa boxing at panganib na naidulot nito sa kanyang buhay, nagpasya na si Arizala at kanyang pamilya na huminto na sa pagboboksing at magsimula muli sa bago niyang buhay.

“Ang desisyon ng mga magulang ko pati ‘yung trainer (Jonathan Peñalosa) ko ayaw na rin po. Siyempre pangalawang buhay ko na ‘to baka ‘yung pangatlo baka hindi na ako papalarin,” dagdag nito.

“Masakit lang din kasi ‘yung pinagpaguran namin ni coach nasayang lang din po ng ilang taon na hindi man lang ako nakapagbigay ng (world) title.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?