By

PH Balangay na naglayag sa China, dumaong na sa Maynila

Sharing is caring!

Matapos ang halos isang buwan na expedition mula Maynila patungong Xiamen, China ay matagumpay na nakabalik na ng bansa ang Philippine Balangay Expedition Team.

Sabay-sabay na dumaong sa Manila Yatch Club (MYC) ang tatlong bangka ng Balangay at ang 34-crew members nito kung saan sinalubong sila ng kanilang mga kaanak, contingent ng MYC, Philippine Navy at Philippine Coast Guard.

Kabilang sa mga sumalubong sa Balangay ay si dating Pangulong Fidel Ramos.

Nabatid na umalis ng Pilipinas ang Philippine Balangay Expedition Team noong Abril 28, 2018 at dumaong muli sa MYC ngayong Mayo 22.

Ang 18-metro na Balangay ay mga replika ng pre-Hispanic Filipino sea vessels o uri ng transportasyon noong mga sinaunang panahon bago pa sakupin ang Pilipinas ng mga Espanyol.

Ayon kay Arturo Valdez, pinuno ng Balangay Expedition, ang kanilang paglalayag patungong China ay panunumbalik ng friendly visit ni Sulu Sultan Paduka Batara sa naturang bansa noong 1417 na naglalayong patatagin ang ugnayang pang-Maritima sa pagitan ng Pilipinas at China.

Aniya, ang mga karagatan na kanilang nilayag ay hindi naghihiwalay sa Pilipinas at China bagkus ay nag-uugnay, at ang mga bangka naman ng Balangay ay sumisimbolo ng relasyon ng dalawang bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?