66

Jun 18, 2020 @ 10:25
By

PH Army tinambangan, 1 patay, 2 sugatan

Patay ang dalawang sundalo habang sugatan naman ang dalawang iba pa na kinabibilangan ng isang opisyal ng Philippine Army at isang Cafgu matapos na tambangan ng hindi pa kilalang grupo ang kanilang sasakyan at kunin ang dala nilang pera na para sana sa subsistence allowance (SA) ng mga miyembro ng Cafgu sa bayan ng San Jose, Occidental Mindoro Miyerkoles ng hapon.

Dead on the spot sa lugar ng pinangyarihan matapos na magtamo ng mga tama ng bala sa katawan ang isang Sarhento at Corporal ng Philippine Army na sadyang hindi muna pinangalanan dahil hindi pa naipapaalam sa pamilya ang nangyari sa kanila, habang patuloy na ginagamot sa San Jose District Hospital si Army Major Ephtaem Domingo at miyembro ng Cafgu na nakilalang si Willy Gregorio, 43, na pawang nagtamo din ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa inisyal na ulat na ipinadala ng Southern Luzon Command (SOLCOM), naganap ang insidente dakong 4:10 ng hapon sa kahabaan ng Sitio Naitan, Barangay Batasan ng nabatid na bayan.

Lulan ng SUV na Ford Everest na may plakang PNO 932 ang mga biktima at patungo sana ng Naibuan Patrol Base upang magbigay sana ng allowance sa mga Cafgu na nakadestino roon nang bigla na lang silang paputukan ng hindi pa batid na bilang ng mga armadong grupo.

Matapos ang pagpapaputok ay agad kinuha ng mga ito ang hindi pa batid na halaga ng perang dala ng mga biktima saka mabilis na umalis ng lugar.

Sa ngayon ay patuloy ang hot persuit operation ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar para sa posibleng paghabol sa mga suspek na may kagagawan ng nasabing pananambang at pagnanakaw ng pera sa mga biktima.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?