182

Mar 1, 2021 @ 22:36
By

PH Ambassador to Brazil na nangmaltrato ng Pinay kasambahay sinibak

Tuluyang sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte si Philippine Ambassador to Brazil Marichu Mauro na inireklamo ng pangmamaltrato sa kanyang kasambahay.

Sa regular na “Talk to the People” ni Pangulong Rodrigo Duterte, inanunsiyo nito ang pagsibak kay Mauro batay sa naging rekomendasyon ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr.

Sinabi ng Pangulo na walang makukuhang benepisyo si Mauro sa gobyerno at hindi na rin ito maaaring makapagtrabaho sa alinmang tanggapan ng gobyerno.

“Yung ambassador doon sa Bazil who maltreated a household helper, repeatedly inflicted physical harm doon sa tao. The recommendation was …and I signed the document affirming the decision,” anang Pangulo.

Tinanggal lahat kay Mauro ang anumang benepisyong makukuha sa kanyang serbisyo sa gobyerno at hindi na ito maaaring makapagtrabaho sa alinmang tanggapan ng gobyerno pati na ang pagkuha ng civil service examination.

Binigyang-diin ng Pangulo na may mga polisiyang dapat sundin sa gobyerno pero inabuso ng dating ambassador ang kanyang kapangyarihan.

“Yan ang parusa mo. So that’s how it is. I said there are rules to be followed, kung ayaw mong sundin you take the risk. If something goes wrong, it gonna hit you,” dagdag ng Pangulo.

Si Mauro ay pinabalik sa Pilipinas matapos mag-viral ang CCTV footage kung saan nakunan itong ilang beses na minamaltrato ang kanyang Pilipinang kasambahay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?