72

Dec 22, 2017 @ 15:54
By

UP-PGH iimbestigahan ang mga pasyenteng namatay diumano sa Dengvaxia

Hiningi ng Department of Health (DOH) ang tulong ng University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) bilang third-party validator sa lahat ng mga nasawi dahil sa dengue kasunod ng kontrobersiyang nilikha ng Dengvaxia.

Ayon kay DOH Secretary Francisco Duque, nais nilang maging transparent at maalis ang hinala na pinagtatakpan nila ang mga posibleng kaso ng pagkamatay dahil sa anti-dengue vaccine.

“We are being transparent to erase doubts from other sectors that the DOH is allegedly concealing deaths resulting from Dengvaxia vaccination,” ang turan ni Duque.

Aniya, bahagi rin naman ng mandato ng PGH bilang isang state university hospital na ibahagi ang kanilang nalalaman sa mga mahahalagang isyu tungkol sa national health.

Paliwanag ni Duque, magsasagawa ang UP-PGH ng independent review kaugnay sa posibleng dahilan ng pagkamatay ng mga pasyenteng nabakunahan ng Dengvaxia.

Dagdag pa ni Duque, kinakalap na rin ng kagawaran ang lahat ng mahahalagang dokumento na hinihingi ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagsisiyasat sa dengue vaccine.

“The DOH is committed to fully cooperate in the conduct of the investigation on the issue and has in fact already submitted relevant documents to the Senate and Congress last year even before the recent announcement of Sanofi Pasteur that the dengue vaccine poses risks to individuals with no prior dengue infection where the vaccine should no longer be administered,” paliwanag ni Duque. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?