638

Oct 17, 2017 @ 18:01

Petroleum jelly, itinuturok ‘pampalaki’ sa Manila City Jail

Maliban sa mga kontrabando, nakasamsam din ang mga awtoridad ng mga hiringgilya at petroleum jelly na ginagamit umano ng mga preso sa loob ng Manila City Jail bilang pampalaki ng ari.

Ayon kay Insp. Jayrex Bustinera, tagapagsalita ng Manila City Jail, itinuturok umano ng ilang bilanggo ang petroleum jelly sa kanilang mga ari para lumaki.

Natuklasan ng mga awtoridad sa kanilang isinagawang Oplan Greyhound ang mga naturang petroleum jelly at hiringgilya sa loob ng isang ward ng mga preso.

At dahil sa panganib na maapektuhan ang kalusugan ng mga preso, ipagbabawal na sa loob ng piitan ang petroleum jelly.

Nabatid na pinangunahan ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Manila Police District Station 3 ang paggalugad sa Manila City Jail.

Umabot naman sa mahigit 20 na patalim, lighters at tambak na mga wire ang natagpuan sa kulungan.

Nakuha rin sa mga locker ang ilang matatalim na bagay, kabilang ang mga hinasang kubyertos.

Iniimbestigahan din ng BJMP kung may kasabwat na guwardiya ang mga bilanggo lalo may natagpuang malalaking bote ng alak sa loob ng mga selda. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?