38

Jan 3, 2018 @ 16:27
By

Petisyon para madeklara ang NPA bilang terorista, binabalangkas na

Tinatapos na ng Department of Justice (DOJ) ang pagbalangkas sa petisyong ihahain sa mababang hukuman para hilinging ideklara ang Community Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA) bilang teroristang grupo.

Ito ay bilang pagtalima sa memorandum na natanggap ng kagawaran mula kay Executive Secretary Salvador Medialdea alinsunod sa Proclamation 374 ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagdedeklara sa CPP-NPA bilang terroristang organisasyon.

Gayunman, sa ilalim ng Section 17 ng Human Security Act o Republic Act 9372, kinakailangang dumaan sa korte ang pagkunsidera sa isang organisasyon bilang teroristang grupo para mabigyan ng pagkakataon ang nasabing organisasyon na maipagtanggol ang kanilang panig.

Ayon kay Senior Assistant State Prosecutor Peter Ong, ang naatasang bumalangkas ng petisyon, kumakalap na sila ng mga insidente at ebidensya laban sa CPP-NPA na pagbabatayan ng isusumite nilang petisyon sa korte.

“We are now finalizing the draft of the petition. We continuously meet with our counterparts to discuss the changes and necessary additions to our draft,” saad ni Ong.

Idinagdag pa ni Ong na aabot na sa 15 insidente ang nasa kanilang listahan na batayan ng diumano’y paghahasik ng karahasan ng komunistang grupo.

“We were able to gather incidents, atrocities, tactical offensives and terrorist acts of CPP-NPA. We have already listed about 15 incidents, the most recent is the attack on the rescue operation of the military in Northern Samar during Typhoon Urduja,” paliwanag ni Ong.

Aniya, tumututok sila sa mga insidenteng naganap sa panahon ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte, pero isasama rin nila sa petisyon ang kasaysayan ng CPP-NPA kaya mababanggit din nila ang iba pang karahasan na kinasangkutan nito bago ang termino ni Duterte.

Posible umano na sa loob ng buwang ito ay maihain na nila ang petisyon.

Hinihintay na lamang umano nila ang certified true copy ng report mula sa pulisya, militar at intelligence community kaugnay ng mga insidenteng pagbabatayan ng petisyon. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?