180

Nov 20, 2017 @ 12:24
By

Petisyon ni Iloilo Mayor Mabilog, binasura ng CA

Pinagtibay ng Court of Appeals (CA) ang kautusan ng Office of the Ombudsman na pagsibak sa puwesto sa kontrobersiyal na si Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog na isa sa mga pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte na nasa listahan ng mga “narco-politician”.

Sa apat na pahinang resolusyon ng CA Special 1st Division na isinulat ni Associate Justice Ramon Paul Hernando, ibinasura nito ang inihaing petisyon ni Mabilog dahil sa kawalan ng merito.

Ayon sa CA, mali ang paraan ng apela na ginamit ni Mabilog nang kuwestiyunin nito ang utos ng Ombudsman sa appellate court.

Ang inihain kasing petisyon ni Mabilog ay batay sa Rule 65 ng Rules of Court sa halip na Rule 43.

Dahil dito, nararapat lamang umanong ibasura ang apela ni Mabilog.

Salig na rin umano ito sa naging desisyon ng Korte Suprema sa kaso ni Fabian versus Desierto noong 1998 na nagsasabing ang mga apela laban sa desisyon ng Ombudsman sa mga administrative disciplinary cases ay dapat na kuwestiyunin sa CA sa pamamagitan ng Rule 43.

“Mabilog’s case, involving as it does an administrative charge resulting in his dismissal from service, does not fall under any of the foregoing circumstance. As the current petition for certiorari is concededly an erroneous mode of review, its dismissal is in order,” ang nakasaad sa resolusyon ng CA.

Ang desisyon ng CA ay sinang-ayunan nina Acting Presiding Justice Remedios Salazar-Fernando at Justice Zenaida Galapate-Laguilles.

Sa desisyon ng Ombudsman na may petsang October 6, si Mabilog ay pinatawan ng “dismissal from the service” bilang parusa matapos makitaan ng substantial evidence ang paratang na serious dishonesty laban sa kanya dahil sa iligal na pagkamal ng yaman.

Kasama rin sa desisyon ng Ombudsman ang kanselasyon ng civil service eligilibity ni Mabilog, at habang buhay na rin siyang hindi papayagang makabalik sa alinmang posisyon sa gobyerno.

Si Mabilog ay bumiyahe sa labas ng bansa noon pang Setyembre 11 para umano magpagamot.

Itinalaga ng DILG, alinsunod sa direktiba ng Ombudsman, bilang kapalit ni Mabilog ang bise alkalde ng Iloilo City na si Vice Mayor Jose Espinosa III.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?