69

Oct 10, 2017 @ 14:37

Petisyon ni De Lima vs arrest warrant, ibinasura ng SC

Ibinasura kahapon ng Korte Suprema  ang kahilingan ni Senator Leila De Lima na ipawalang-bisa ang arrest warrant na inisyu sa kanya ng mababang hukuman kasabay ng pagdismis sa mga kaso ng iligal na drogang isinampa laban sa kanya dahil sa kawalan ng merito.

Sa botong 9-6, mananatili sa Philippine National Police Custodial Center si De Lima at ang Muntinlupa Regional Trial Court pa rin ang may hurisdiksyon sa kanyang mga kaso.

Una nang isinangkot si De Lima sa umano’y talamak na illegal drug trade sa National Bilibid Prisons (NBP) noong siya’y kalihim pa ng Department of Justice.

Ayon kay De Lima,  umabuso sa kanyang kapangyarihan si Muntinlupa RTC Judge Juanita Guerrero ng Branch 204  nang maglabas ito ng arrest warrant noong Pebrero samantalang nakabibin pa ang kanyang motion to quash.

Inakusahan si De Lima na tumanggap at nakinabang sa drug money mula sa Bureau of Corrections (BuCor) noong siya pa ang  kalihim ng  DOJ.

Kabilang sa mga mahistradong pumabor sa kahilingan ni De Lima ay sina Chief Justice Maria Lourdes Sereno, Associate Justices Antonio Carpio, Francis Jardeleza, Estela Perlas-Bernabe, Mario Victor Leonen at Alfredo Benjamin Caguioa.

Ang desisyon ay ipinonente ni Associate Justice Presbitero J. Velasco Jr., na nauna nang hiniling ni de Lima na mag-inhibit sa deliberasyon ng kanyang petisyon dahil sa relasyon umano nito sa convicted drug lord na si Gemma Agojo na kabilang naman sa mga testigo laban sa kanya.

Pinabulaanan ito ni Velasco at idiniin na hindi niya kilala si Agojo at ni hindi pa niya ito nakita kahit kailan.

Nauna na ring kinuwestyon ng mga mahistrado ang pagpapasaklolo ni de Lima sa Korte Suprema para sa kanyang mga kaso gayung dapat ay dumaan muna siya sa Court of Appeals (CA) at saka na lang sa High Tribunal sakaling mabigo siyang makumbinsi ang Appellate Court na pumabor sa kanyang petisyon. (Ma. Isabel Billiones)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?