35

Petisyon ng mga mamamahayag kaugnay ng coverage sa Manila Peninsula seige noong 2007, ibinasura ng SC

Walang nakikitang paglabag ang Korte Suprema sa press freedom sa abiso ng Department of Justice (DOJ) na maaring maharap sa kriminal na kaso ang mga mamamahayag na nag cover sa Manila Peninsula seige noong November 29, 2007 pati na ang pag-aresto sa mga mamamahayag na tumangging tumalima sa utos ng mga otoridad na lisanin ang nasabing hotel.

Sa 15-pahinang desisyon na isinulat ni Associate Justice Noel Tijam, ibinasura ng Supreme Court First Division ang petisyong inihain ng grupo ng mga mamamahayag kabilang na ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR), Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), Philippine Press Insitute (PPI) at mga indibidwal na mamamahayag kabilang na sina Jessica Soho, Ed Lingao at Ellen Tordesillas.

Ayon sa Korte Suprema, hindi maituturing na “prior restraint” o “censorhip” ang kinukwestiyong advisory mula sa DOJ at ang pag-aresto sa mga mamamahayag.

Hindi naman daw kasi pinipigilan ng nasabing DOJ advisory ang mga mamamahayag na mag cover, mag-ulat at sumulat ng tungkol sa mga pangyayari na matatawag na “newsworthy” kagaya ng Manila Peninsula standoff.

“Neither was there any indication of the claimed chilling effect on the exercise by the media of the right to free speech and press. It is of public knowledge that news and commentaries as regards the incident continued to be disseminated thereafter,” saad ng desisyon ng Korte Suprema.

Ipinaliwanag pa ng Kataas-taasang Hukuman na maituturing na “valid exercise” ng mga otoridad ang ipinalabas na DOJ advisory pati na ang utos sa mga mamamahayag na lisanin ang Manila Peninsula hotel.

“Likewise, the Secretary of Justice, being the head of DOJ, the principal law agency of the country, was well-within his authority to remind the media of the consequences of resisting and disobeying authorities with their lawful orders, especially during emergency situations and when public safety and order at at risk,” bahagi ng Supreme Court ruling. (MARICEL DIAZ)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?