63

By

PET, naglabas ng show cause order sa kampo nina Robredo, Marcos

Sharing is caring!

Pinagpapaliwanag ng Presidential Electoral Tribunal (PET) ang kampo ni Vice President Leni Robredo at Dating Senador Bongbong Marcos dahil sa pagsisiwalat ng nagaganap sa nagpapatuloy na manual recount ng mga boto sa pagka-bise presidente noong May 2016 Elections.

Sa limang pahinang resolusyon na may petsang April 10, 2018 at pirmado ni Atty. Edgar Aricheta, Clerk ng PET, binigyan ng tribunal ang magkabilang kampo ng sampung araw para magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat na patawan ng contempt dahil sa paglabag sa resolusyon na inisyu nito noon February 13 at March 20, 2018.

Sa nasabing mga resolusyon, inatasan ng PET ang kampo nina Marcos at Robredo na mahigpit na tumalima sa sub judice rule.

Pero sa kabila umano ng nasabing resolusyon, lumabas sa mga ulat sa media na nagpapahayag umano ng mga sensitibong impormasyon ang kampo nina Marcos at Robredo sa pamamagitan ng kanilang mga abugado o kinatawan kaugnay ng nagaganap na revision of ballots.

Iginiit ng PET na ang mga pahayag ng magkabilang partido na nailahad na sa PET o naghihintay na lamang ng resolusyon at maging ang mga pahayag na tumutukoy sa integridad ng proseso ng manual recount ay malinaw na sakop ng sub judice rule.

Kaya para umano mapreserba o mapanatili ang pagiging sagrado ng revision proceedings, kinakailangan umanong magpaliwanag ang kampo nina Marcos at Robredo kung bakit hindi sila dapat na patawan ng contempt.

Ang PET ay binubuo ng mga mahistrado ng Supreme Court En Banc.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?