268

Jan 1, 2018 @ 10:08
By

‘Person of the Year’ award ni Duterte, mali – Andanar

Hindi sila nagbabasa, hindi nagsasaliksik!

Binira ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar ang non-government organization sa America na nagbansag kay Pangulong Duterte ng “Person of the Year” nang dahil sa umano’y pagsusulong ng organisadong criminal activitity sa mundo.

Sa panayam ng GMA Super Radyo DZBB, sinabi ni Andanar na palibhasa ay hindi nagbabasa at wala ring pagsasaliksik ang NGO kaya mali-mali ang pag-uulat ukol sa administrasyong Duterte.

“Malamang hindi nagbabasa ng mga report ng ating gobyerno, in particular sa mga success ng ating gobyerno pagdating sa pagsugpo sa ilegal na droga dito sa bansa natin, sa paghuli ng mga kriminal, nagbebenta ng shabu, at sa mga hakbang ng ating mahal na pangulo upang labanan ang corruption dito sa bansa,” sabi ni Andanar.

Tinutukoy nito ang non-profit organization na Organized Crime and Corruption Reporting Project (OCCRP) na nagsabing bida si Pangulong Duterte nitong magsasarang 2017 dahil binalewala ang rule of law sa Pilipinas.

Napili raw si Duterte ng mga mamamahayag kontra katiwalian, ng mga scholar at mga aktibista dahil sa paggamit nito ng kamay na bakal sa madugong gyera laban sa droga.

“Hindi talaga pinag-aralan, pinagbabasehan ay mga sinusulat na very partisan. Kaya hindi first account ang kanilang sinusulat, nakabase lang sa kanilang binabasa lamang,” dagdag ni Andanar. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?