93

Feb 3, 2018 @ 17:39
By ,

Permit sa pagdala ng baril, pampasabog kinansela sa Abra

Pinawalang-bisa muna ng Philippine National Police (PNP) ang implementasyon ng permit sa pagdadala ng baril o permit to carry firearms outside of residence at permit sa pagta-transport at pagbili ng mga pampasabog at mga ginagamit sa paggawa nito, o permit to transport and purchase of explosives/explosive ingredients sa Abra.

Sa ulat ng PNP Cordillera, inaprubahan mismo ito PNP Chief Ronald dela Rosa matapos na hilingin ni Cordillera Administrative Region PNP Regional Director Police Chief. Supt Edward Carranza.

Ito ay upang matiyak na magiging payapa ang mga malalaking aktibidad na gagawin sa lalawigan ng Abra.

Partikular ang Cordillera Administrative Region Athletic Association (CARAA) meet, Bangued Town Fiesta at Kawayan Festival.

“The suspension of the permits is part of security preparations that aims to enhance the safety and security of all the athletes, including local and foreign tourists who are expected to attend the activities,” sa opisyal na pahayag ng Police Regional Office Cordillera.

Tanging mga miyembro lamang ng PNP, Armed Forces of the Philippines at iba pang law enforcement agencies na naka-duty at nakasuot ng kanilang uniporme ang exempted sa kanselasyon sa mga permit ng pagbitbit ng baril at pampasabog.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?