49

Dec 28, 2017 @ 18:06
By

Permanenteng martial law, imahinasyon lang ng mga kritiko – Roque

Nakahanda ang Malacañang na idepensa ang posisyon sa isang taong martial law extension sa Mindanao.

Inihayag ito ng Palasyo sa harap ng inihaing petisyon sa Korte Suprema ng mga mambabatas na tinawag na “Magnificent 7” at ang alegasyong nais umano ng administrasyon na gawing permanente ang batas militar sa buong Mindanao.

Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque, imahinasyon lamang ito ng mga pulitiko na kontra sa martial law extension.

Hindi aniya dapat insultuhin ang mayorya ng mga mambabatas na bumoto ng pabor sa martial law extension dahil dumaan ito sa proseso.

“We are prepared to defend our position before the High Court. The legal and factual bases of the martial law extension have been clearly established based on the security assessment by our ground commanders,” ang pahayag ni Roque.

Binigyang-diin ng kalihim na mahalaga ang martial law extension para tuluyang masugpo ang mga natitirang terorista at mahadlangan ang mga sumisibol na iba pang teroristang grupo bago pa makapaghasik muli ang mga ito ng kaguluhan sa Mindanao.

Sinabi pa ni Roque na walang batayan ang mga ispekulasyon na balak ng gobyerno na gawing permanente ang batas militar dahil ito ay labag sa batas.

“These are mere surmises and conjectures and not supported by law and the Constitution. Martial law in perpetuity is a scenario that neither the President , Congress or the Supreme Court will allow as it is patently unconstitutional,” dagdag pa ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?