26

By

Permanenteng evacuation center inutos ni Pangulong Duterte

Sharing is caring!

Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na magtayo ng permanenteng evacuation center sa mga lugar na malimit daanan ng bagyo para hindi na magamit ang mga paaralan sa panahon ng kalamidad.

Ang direktiba ay ginawa ng Pangulo makaraang hilingin ni Education Secretary Leonor Briones na kung maaari ay limitahan ang paggamit ng mga paaralan bilang evacuation center dahil nadidiskaril ang klase ng mga estudyante.

Ikinatwiran ni Briones na napipilitang mag-aral ang mga estudyante sa mga temporary learning shelter na hindi nakakatiyak sa kanilang kaligtasan.

Sinabi ng Pangulo na palalagyan niya ng 10 palikuran ang mga ipatatayong evacuation center at hiwalay ang para sa lalaki at babae.

“it’s about time that we build ‘yung semento as temporary shelters that can be used by the people during…Kasi ang ano ko diyan… my misgiving, ang mga bata napuputol for the…for the longer they stay in the school, the longer would be the disturbance of the education of the children.

“It’s about time that General Jalad thinks of this. ‘Yun talagang mga frontliners na lugar: Leyte, Samar, itong Cagayan, Isabela, makagawa man lang tayo parang gym puro semento. Oo, parang gym lang with so many perhaps 10 CRs for women and 10 na…ihiwalay mo lang babae lalaki.

“Parang simple lang na with strong…I think you have to use the metal iron. And if we can build about siguro maski 14 muna next year…early next year kung masali natin sa…mahabol sa budget,” anang Pangulo.

Idinagdag ng Presidente magagamit din ang mga itatayong evacuation center kapag nagkasunog, baha o bakbakan sa mga lugar.

Hiningan ni Pangulong Duterte ng position paper ang pamuinuan ng NDRRMC para maasikaso ang pondo para dito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?