308

Apr 3, 2019 @ 13:24
By

Pepe, Pilar, dagdag-inspirasyon kay Mar

Mas lalo umanong magiging inspirado si dating Senador Mar Roxas sa hangarin niyang makabalik ulit sa Senado ngayong nakauwi na sa bansa at makakapiling na niya ang kambal na mga anak na sina Pepe at Pilar.

Ayon kay Roxas, dagdag-inspirasyon sa kanilang buhay ng asawang si Korina Sanchez ang pagdating ng kambal at nagpapasalamat aniya sila sa Diyos dahil sa kabila ng kanilang edad ay binigyan pa rin sila ng pagkakataon na maging magulang.

Higit aniya siyang magiging inspirado at determinado na makabalik sa public service para makapagsulong ng mga batas na magpapabuti sa pamumuhay at kalagayan ng mga Filipino, kasama na ang kanilang kambal.

“Magsisilbi silang dagdag sa inspirasyon. Siguro ganun din naman lahat ng mga magulang, gustong maging maayos at maganda ang sitwasyon para sa kanilang mga anak. So lalong nagiging mariin yung feeling. Pa-retire na kasi kami eh, senior citizen na kami; so biglang tatay, biglang lolo’t lola,” ani Roxas.

Ayon sa mag-asawa, natagalan ang pag-uwi sa bansa nina Pepe at Pilar dahil hinintay muna nilang ma-develop ang immune system ng mga bata.

Sinabi naman ni Roxas na bagama’t magiging abala uli siya sa kampanya, titiyakin naman niyang may oras pa rin siya para sa kanilang pamilya, partikular na sa kambal.

Ibinunyag pa ng dating senador na kinausap na rin niya ang panganay niyang si Paolo para bantayan ang mga kapatid na kambal sa kanilang paglaki.

“Nangako siya sa akin na hindi siya mag-aasawa hanggang hindi nakakatapos sa kolehiyo ang mga kapatid niya,” kwento pa ni Roxas.

Samantala, tumanggi naman si Korina na isama sa kampanya ang kambal nila bilang tugon sa kahilingan ng mga supporter ng kanyang asawa na makita ang mga ito.

“Huwag muna, bawal pa, mga baby pa kasi sila,” ayon kay Korina.

Aniya, nauunawaan din ng kanyang asawa na hindi siya makakasama sa kampanya dahil sa kanilang mga anak.

“Demanding eh hindi mo pwedeng maiiwanan, it’s really 24/7 kailangan mong bantayan ang mga bata,” dagdag nito.

Nagpapasalamat din ang mag-asawa sa lahat ng nagdasal para ligtas na makauwi ng bansa ang kanilang kambal.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?