142

Feb 25, 2020 @ 16:29
By

People Power anniversary ‘nilangaw’

Tila nalimutan na ng sambayanan ang selebrasyon ng ika-34 taong anibersaryo ng EDSA People Power Revolution makaraang kakaunti lamang ang nagtungo sa EDSA Shrine nitong Martes, Pebrero 25.

Kahit walang pasok sa mga paaralan at ilang manggagawa sa kanilang trabaho dahil sa holiday ay mabibilang lang ang nakiisa sa anibersaryo, hindi tulad ng mga unang taon ng pagdiriwang na dinudumog ng publiko lalo na ng mga kilalang tao sa gobyerno.

Idinahilan na lamang ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) na kaya kaunti ang bilang ng mga nakilahok sa selebrasyon ay dahil sa pangamba sa coronavirus (COVID-19).

Nabatid na simpleng flag-raising ceremony lamang ang inihanda sa EDSA People Power Monument.

Ayon sa NHCP, ang tema ng selebrasyon ngayong taon ay “EDSA 2020: Kapayapaan ng Bayan, Simbolo ng Kalayaang Ipinaglaban”.

Sa panig naman ng seguridad, maaga pa lamang ay naka-deploy na ang mga tauhan ng Quezon City Police District sa palibot ng EDSA para matiyak ang kaligtasan ng mga dumalo sa selebrasyon.

Kasama sa nagbigay ng seguridad sa selebrasyon ay si National Capital Region Police Office Director Police Major General Debold Sinas.

Wala namang naitalang kaguluhan o anumang insidente sa pagdiriwang at hindi rin nagkaroon ng masikip na daloy ng trapiko sa EDSA dahil sa kakaunti lamang ang dumalo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?