12

Aug 12, 2021 @ 13:55
By

Pension para sa magsasaka, mangingisda tinutulak ni Lapid

Naghain si Senador Manuel “Lito” Lapid ng isang panukala na magbubuo Agricultural Pension Fund (APF) na magbibigay ng pension benefits sa mga manggagawa sa agrikultura, lalo na ang mga magsasaka at mangingisda.

Sa Senate Bill No. 2335, ipinaliwanag doon na polisiya ng gobyerno na suriin at iangat ang pensiyon at iba pang benepisyo para sa mga retiree, pareho sa gobyerno at pribadong sektor.

Ang agrikultura ay isa sa pinakamahalagang industriya sa bansa. Ang agrikultura, forestry at pangingisda ay bumubuo ng 10.2% ng Gross Domestic Product (GDP)ng bansa ngayong 2021.

Ang sektor na ito rin ang pangalawa sa pinakamalaking sektor dahil sa paglikha ng 23.% trabaho sa bansa.

“Marapat lang na bigyang halaga ng pamahalaan ang malaking papel na ginagampanan ng ating mga magsasaka at mangingisda hindi lamang para sa pag-unlad ng ekonomiya ng ating bansa, kundi pati na rin sa pagsiguro na may masustansya at sapat na pagkaing maihahain sa hapag ng bawat pamilyang Pilipino,” paliwanag ni Lapid.

“Dahil sa laki ng kontribusyon ng mga magsasaka at mangingisda sa ating bayan, dapat lang na bigyan sila ng benepisyo gaya ng pension para matiyak na matutugunan ang kanilang mga pangangailangan sa panahon na magretiro na sila,” dagdag nito.

Sa ilalim ng panukala, ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), isang attached agency ng Department of Agriculture (DA), ang magiging implementing agency na naturang programa.

Tungkulin at responsibilidad na bumuo ng pension plan para lahat ng agricultural pensioner at mamamahala at mamumuhunan sa APF para matiyak ang sustainability nito.

“Hindi matatawaran ang kasipagan ng ating mga kababayang magsasaka at mangingisda. Sa gitna ng mga pagsubok na pinagdaanan ng ating bansa, patuloy silang kumakayod para maitaguyod ang kanilang mga pamilya at masigurong sapat ang supply ng pagkain sa ating bansa,” ayon ka Lapid.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?